Si Quiboloy, ang ‘Appointed Son of God’

Isinulat ni Chantal Mariz Normbaba
Disenyo ni Tommy Li

Umalingawngaw ang iyak ng isang sanggol sa gabing mapayapa at madilim na bayan ng Bethlehem. Bukod sa mga bituing sumisilip sa kalangitan, ang iyak na ito ay tila nagsilbing liwanag sa buong lugar. Kasama ng mga tupa sa sabsaban, isinilang ni Maria ang isang batang lalaki at pinangalanang Hesus. Bumaba ang mga anghel mula sa langit at sabay-sabay nagsiawit. Sa paniniwalang Kristiyano, si Hesus ang tinaguriang ‘Son of God’ [anak ng Diyos].

Sa kasalukuyang panahon, sa gitna ng madilim at tahimik na gabi, may isang sanggol ang isinilang sa lungsod ng Davao. Tila may malaking agilang dumapo sa puno sa labas ng kanilang tahanan habang isinisilang ni Maria ang isang batang lalaki. Pinangalanan niya itong Apollo Quiboloy. Matapos ang pagsilang, ang madilim na gabi ay biglang nagliwanag at naging araw. Habang nakaupo sa mga ulap, nagpakita ang Diyos kay Maria Carreon at sinabing, “iyan ay aking anak.” 

Ang kuwentong ito ay madalas marinig sa lungsod at relihiyon na itinatag kalaunan ni Apollo Quiboloy, ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Sinasabing si Pastor Quiboloy raw ang ‘Appointed Son of God’ [itinalagang Anak ng Diyos] at ‘Owner of the Universe’ [may-ari ng sansinukob].

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pag-ugong ng pangalan ni Quiboloy, ang Appointed Son of God, sa mga pahayagan at telebisyon. Hindi dahil sa may nagawa siyang himala tulad ng pagpapagaling ni Hesus sa mga may karamdaman tulad ng taong may ketong, bulag, at paralitiko, kundi dahil sa kanyang mga kaso ng sexual abuse, maltreatment against children, at bulk cash smuggling.

Noong ika-19 ng Marso, sa pamumuno ni Sen. Risa Hontiveros, naglabas ng arrest order ang Senado laban kay Quiboloy matapos niyang hindi dumalo ng ilang beses sa pagdinig sa Senado ukol sa mga kaso laban sakanya. Subalit ilang linggo na ang nakalipas, ni kanyang anino ay hindi nagpapakita sa Senado. 

Kung si Hesus ay ipinako sa krus dahil sa mga maling paratang laban sakanya, namatay, at muling nabuhay sa ikatlong araw, ano kaya ang susunod na mangyayari sa Appointed Son of God ng kasalukuyang panahon?

Ang mga Patong-patong na Kasong Puno ng Misteryo

Bago pa man maglabas ng arrest order ang Senado laban kay Quiboloy, kabilang na siya sa Federal Bureau of Investigation (FBI)’s most wanted list noong 2022 dahil sa pagkakasangkot nito sa child sex trafficking at money laundering

Kumukuha umano sila ng mga kababaihan na may edad na 15 hanggang 25 upang maging personal assistant na kalaunay aabusuhin at mamaltratuhin. Pinipilit din nito umano ang mga miyembro ng KOJC na manghingi ng mga donasyon para sa isang pekeng charity na sa katunayan ay ginagamit para sa operasyon ng simbahan at sa marangyang pamumuhay ng mga lider nito. Maliban sa mga ari-arian sa lungsod ng Davao na nagkakahalaga ng milyun-milyon, natagpuan din ang tatlong ari-arian na may kaugnayan kay Quiboloy at sa KOJC sa Estados Unidos at Canada na tinatayang nagkakahalaga ng P338 milyon.

Bukod sa arrest order mula sa Senado, ang korte ng Davao at Pasig ay naglabas na rin ng warrant of arrest laban kay Quiboloy. Gayunpaman, sa ngayon, tila isang daga si Quiboloy na nagtatago sa kasuluk-sulukan ng bahay at tila nagkikipaghabulan sa dilim. 

Ang mga Apostoles

Isang dahilan kung bakit malaya pa ring nakakapagtago si Quiboloy ay ang malalim na koneksyon niya sa pulitika–isang matalik na kaibigan at espiritwal na tagapayo ng dating pangulong Rodrigo Duterte na kapwa Davaoeño. Nakita rin ang kanyang suporta kay Duterte nang kumandidato ito sa pagkapangulo noong 2016. Kamakailan lamang, si Duterte ay itinalaga bilang property administrator ng KOJC. Mariin naman niyang kinundena ang paratang na tinatago niya ang nasabing kaibigan. Bukod kay Duterte, ilang senador ang nagpahayag ng pagtutol sa paglabas ng arrest order ng Senado laban kay Quiboloy tulad nina Robin Padilla, Bato Dela Rosa, Cynthia Villar, Bong Go, at Imee Marcos.

Isang ‘bayani’ at ‘biktima’ na maituturing si Quiboloy para kay Padilla dahil sa paglaban niya sa New People’s Army (NPA), at ‘respetadong indibidwal’ naman para kay Dela Rosa. Aniya Dela Rosa, hindi niya nakikita si Quiboloy na gumawa ng mga bagay na ipinararatang sakanya. Para naman kay Villar, si Quiboloy ay itinuturing na isang ‘kaibigan’ at mabait sa kanyang pamilya. 

Ang ganitong pangyayari sa pulitika ay hindi na bago. Nananatili pa rin itong bulok at pumapabor sa mga nasa pwesto at sa mga kakampi nila. Kaya’t hindi nakapagtataka na hanggang ngayon ay nakakapagtago pa rin nang malaya si Quiboloy mula sa mata ng publiko at ng batas.

Ang 17 Utos ni Quiboloy

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, nagbigay si Quiboloy ng 17 na kondisyon bago pumayag na dumalo sa pagdinig sa Senado ukol sa mga kaso laban sakanya. Kasama rito ang pagbunyag ng tunay na pagkakakilanlan at mukha ng mga testigo, walang limitadong oras sa kanyang pagtatanong o pagsasagot, at lahat ng gastusin sa biyahe, kasama ang pagkain at tuluyan, ay dapat sagutin ng kanilang opisina. 

Tila nadaig pa ng 17 na kondisyon ng Appointed Son of God ang 10 utos ng Diyos. 

Dahil sa ilang pagkakataon na hindi pagpapaunlak ni Quiboloy sa mga imbitasyon ng Senado, ipinag-utos ng kampo ni Sen. Hontiveros ang paglabas ng show cause order noong ika-12 ng Marso. Pinapayagan nito si Quiboloy na magbigay ng paliwanag sa loob ng 48 oras kung bakit hindi siya dapat arestuhin. Kung hindi siya magbibigay ng paliwanag at magpapakita sa itinakdang oras, ipapatupad na ang arrest warrant laban sakanya. 

Subalit sa halos isang buwan mula nang ilabas ang warrant of arrest, ni anino ni Quiboloy ay hindi pa rin nakikita. Ipinapakita lamang din nito kung gaano kabagal at kabulok ang sistema ng hustisya sa Pilipinas, lalo na kung may kapangyarihan at koneksyon sa pulitika ang akusado. Ang kanyang hindi pagdalo ay isa ring malaking kabastusan sa batas ng Pilipinas.

Lalo pang nakababahala na sa kabila ng alegasyon na ang Appointed Son of God ay isang sexual abuser, human trafficker, at sangkot sa money laundering, may mga nanatili pa ring tagasunod at tagasuporta niyaang iilan pa nga’y nasa loob mismo ng Senado.

Ang Paghahanap sa ‘Appointed Son of God’

Ang paghahanap at pagpapanagot kay Quiboloy ay isang panibagong hamon para sa kasalukuyang administrasyon—administrasyon na kung saan mapurol na ang konsepto ng hustisya at integridad dahil ang pangulo mismo ay tax evader at mula sa pamilyang may ill-gotten wealth. Gayundin, ang patuloy na pagtanggi nito na payagan ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang mga alegasyong paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon ay nagdudulot ng pagkasira sa kredibilidad ng administrasyon.

Nararapat lamang na mas pag-igtingin ng Senado, Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), at iba pang sangkot sa kaso ang kanilang imbestigasyon at pagtutok sa paghahanap kay Quiboloy. 

Sabi nga nila, mahirap hanapin ang taong ayaw magpahanap. Ngunit sa palagay ko, mahirap ding mahanap ang tao kung walang tunay na naghahanap. 


Other Stories

Design a site like this with WordPress.com
Get started