Ano na ang Anonas? Ating Tuklasin at Mag-Ukay Challenge na With Me!

Isinulat ni Ameia
Disenyo ni Francis Dador

Blusang kulay asul na kulang na ang butones, pantalon na kupas na ang kulay pero kung tawagin ng henerasyon natin ay acid wash, at tsinelas na tatlong beses na dinala sa Mr. Quickie. Ang bawat piyesa sa mga ukay-ukay ay may istorya ng pinaglumaan, pinagsawaan, at itinapon na lang para pakinabangan o pagkakitaan pa.. Ito ang ating masisilayan sa mga ukayan sa tabi-tabi at gilid ng mga kalsada na puro may karatulang BIG DISCOUNT at New Items Here! 

Sa kasalukuyan, saan mang lupalop ng bansa ay mayroong matatagpuang tindahan ng ukay na damit. Isa sa pinakapopular na ukayan at dinadayo pa ng mga tila beterano sa pag-uukay ay matatagpuan sa baba lamang ng istasyon ng LRT sa Anonas. Apat na palapag ng ukay ang naroroon at may katabi pang isang palapag pero ubod ng laki at nakalulula sa dami ng mga maaaring pamilian.. Nagsisimula ang presyo sa sampung piso at tumataas sa 1000 (at minsan, mas mahal pa). 

Nakakaaliw rin ang kakayahan ng mga ukay-ukay na ipartikular ang mga piyesa ng damit na ihahain nito sa tao. Halimbawa na lamang sa night market sa Baguio na kilala sa higit na mababang temperatura nito kumpara sa ibang parte ng bansa. Hile-hilera ang mga nakasampay sa hanger na jacket, trench coats, at kung ano-ano pang kasuotang panglamig, tanda sa kung gaano kalaganap ang kultura ng pag-uukay sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Ang Kwento Kung Bakit Nag-Uukay

Maraming istorya kung bakit nag-uukay ang mga tao. Ngunit saan nga ba ito nagsimula? Ang ukay-ukay ay sinasabing nagsimula sa salitang “hukay” o “halukay”. Hindi katulad ng ukay-ukay ngayon na nakasalansan at nakasabit na ang mga damit at naka-kategorya kung palda o blusa ba ito, ang mga naunang ukayan ay nakatambak sa isang bulto at kailangang halukayin upang makapamili ng nais na bilhin. Sinasabi rin na ito ay nagsimula sa Baguio at mas kilala ang ukay-ukay dito sa pangalan na ‘wagwagan’ dahil kailangang ipagpag ang damit at makakapal na dyaket dahil sa alikabok.

Sa kasalukuyan, ang ukay ay naging popular na rin sa mga Gen Z na gustong maki-#FitCheck, maging sa mga taong gusto lang talaga makamura at ito lang ang paraan para makabili ng bagong masusuout. Sa mga istoryang kaakibat ng pag-uukay, mayroon pa ngang kwento ng kababalaghan na kung tawagin ay Segunda Mano. Ito ay naipapaliwanag kung saan nakakapit daw ang kaluluwa ng dating may-ari ng damit na nabibili sa ukay. Nakakabahala, hindi ba? Pero ano ba naman ang multong nakadikit sa bulsa mong barya na lamang ang laman at blusang nabili sa halagang sampung piso na lang. Ayaw mo nun, may kasama ka pa sa pang-araw-araw?

Ngunit mayroon pang isang kwento ng kababalaghan sa pag-uukay – ito ay ang pagiging mukha nito ngayon ng sustainable fashion at self-expression. Ito ay malimit gamitin ng mga influencers kung pag-uusapan ang fashion sa mas nakakamurang halaga. “1K Ukay Challenge,” at “Come to Ukay With Me in Anonas” ang kalimitang nilalaman ng kanilang mga bidyo. Ang nakakabahalang kwento ng pag-uukay ay pagmamahal na rin ng presyo nito. 

Kung susumatutalin, tama at nararapat naman ang pagtingin sa pagdadamit ng may lenteng nagpapanatili at hindi nagsasayang pero dapat din nating tanungin na para kanino ba talaga ang pag-uukay? Kung sustainability at self-expression ang pag-uusapan, masasabi ba nating danas ito ng mga bumibili sa ukay at higit lalo na ng mga gumagawa mismo ng ating mga damit?

Ang Kwento ng Paglikha at Pagkonsumo sa Ukay

Marahil nagtataka tayo kung saan nga ba nanggagaling ang mga binebenta sa ukay at bakit ganito na lang ito kamura. Isang pinagmumulan ng mga damit sa ukay ay ang secondhand items o mga gamit na napaglumaan na at gusto nang ibenta ng may-ari. Subalit ang mas kalakhang pinagmumulan nito ay ang bulto-bultong pagtatapon sa atin ng ibang mga bansa na may kakayahan na magkaroon ng produksyon ng libong damit. Kadalasan, ang mga itinatapon sa atin na napupunta sa ukayan ay ang mga damit sa produksyon na hindi pulido ang pagkakagawa at tinatawag na overruns. Ang mga mas mababang kalidad ng damit ay dito itinatapon upang mabenta sa mas murang halaga na hindi nila mabebenta sa sarili nilang bansa.

Ito ay normal na kwento at simbolismo lamang patungkol sa kung ano ba ang tingin sa atin ng mga dayuhan na may pagawaan dito – isang bansa na pinagmumulan ng murang lakas paggawa at isang bansa na tatangkilik sa hindi kalidad pero mumurahing damit. 

Sa kamay ng mga dayuhan, ang mas nakakabahala at higit na nakakagimbal na kwentong tatalo kahit sa kaluluwang naghihiganti na nakakulong sa isang wedding gown ay ang hindi pagsusweldo nang tama sa mga manggagawa sa pabrika ng damit lalo na ang mga kababaihan. Gayunpaman, ang takot ay agad na napalitan ng galit nang magsagawa ng hindi makatuwiran na pagtatanggal sa kanila na nagresulta sa biglang pagkawala ng trabaho at paraan para mamuhay. Nitong Marso 2024 lamang, ang isang pagawaan ng luxury bag sa Pilipinas, upang sirain ang isang bagong unyon, ay nanggipit ng halos 1,000 empleyado na napilitang magbakasyon mula Enero hanggang Marso at nawalan ng tatlong buwang sweldo.

Silang mga manggagawa rin ang palaging gipit tuwing mayroong pagbabago sa polisiya. Halimbawa na rito noong Pebrero lamang, may babala galing sa mga kompanya na kung magpapatuloy ang pagtaas ng minimum wage ay maaring matanggal ang hindi bababa sa 120,000 na mga manggagawa ng mga damit sa pabrika. Sa patuloy na ganitong mga babala ay ang paglaki rin ng takot ng mga manggagawa na anumang oras, sila ay pwedeng mawalan ng trabaho at mawalan ng pantustos sa pang araw-araw. Ang kanilang kondisyon ay sumasalamin din sa mga damit na ginagawa nila na napupunta sa ukayan – gamit na gamit sa proseso at pagsusuot ngunit kapag pinaglumaan na, parang ukay na pinapabayaan na.

Ang ganitong istorya ng panggigipit ay hindi na bago at bagkus isang kwento na kahit nakakatakot ay tila normal na lamang na pangyayari sa kondisyon ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ito ba ang tunay na mapagpalaya? Kung pag-uusapan ang mga tao sa ukayan at gumagawa ng mga damit na makikita natin sa ukay, sila ay lasak at talo. Sa sistema rin na ginawa ng karaniwan ng mga dayuhang kapitalista at gobyerno, ang ating mga manggagawa ay naghihikahos magtrabaho sa mga pagawaan pero sila ay patuloy pa ring dinidiin sa hindi nakabubuhay, kulang o kakarampot na sweldo. 

Ngunit ang parehong mga kapitalista na ito ay naniniwala rin na basta kakainin na lamang natin ang kanilang mga tapon. Ang sistema na ito ay lumilikha ng isang malaking ilusyon sa masa na sila ay may kakayahang mamili nito at ituring itong “alternatibo” lamang pero kung mas malalim na susuriin, ang ganitong kilos ng masa ay dulot ng pagdidikta ng mga higit na nakatataas ang antas sa lipunan. Sa paghihilera ng mga produktong kung tawagin ay “luxury brands”, higit na nagiging mas nakasisilaw para sa karaniwang mamamayan ang pag-uukay dahil hindi maikakailang madalas makatagpo ng mga mamamahaling piyesa ng kasuotan nang sampung beses na mas mura kaysa sa orihinal nitong presyo. Kumbaga, ang mga ukay-ukay ay nagmimistulang baul ng kayamanan kung saan pasuwertihan ang mga masugid nitong parokyano kung sino ang mauunang dumapo ang kamay sa vintage na Chanel, Dior, at iba pang designer brands.

Ito na ang naging ikot ng ating kapalaran sa kamay ng mga kapitalista: ginagawang  isang kahig at isang tuka ang ating mga manggagawa, samantalang nililinlang ang masa sa ilusyon na sila ay may kakayahang pumili ng ikokonsumong produkto.

Isang aral na maaari rin natin matutunan sa pag-uukay na ang luma ay hindi dapat itapon o ipagsawalang-bahala na. Maari pa rin itong gamitin sa panibago niyang buhay. Ang ating mga manggagawa ay hindi disposable, sila dapat ay paulit-ulit na bigyan ng importansya para makamit ang tunay na mapagpalaya at sustenableng buhay na nararapat para sa kanila.

Magkakaroon lamang ng tunay na sustainability at self-expression kung ang mga tao rin sa likod nito ay may kakayahang mamuhay nang matiwasay. Ang kwentong kababalaghan ng ukay ay dapat iwaksi. Ang tunay na challenge ay gawin itong mapagpalaya para sa lahat at hindi lamang para sa iilan. Tara na sa Anonas! Handa ka na bang hukayin pa ang istorya ng pag-uukay sa ating susunod na challenge? 


Other Stories

Design a site like this with WordPress.com
Get started